Ideal monitoring stations, mahirap maabot ng PHIVOLCS dahil sa kakulangan sa pondo

Inamin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS na mayroon pang kakulangan sa monitoring stations para sa natural hazard gaya ng lindol.

Sa pagdinig ng House Appropriations Committee sa proposed budget ng Department of Science and Technology, sinabi ni PHIVOLCS Director Teresito Bacolcol na tatlongdaan ang kanilang ideal monitoring stations ngunit nasa 123 lamang ang seismic stations ng bansa.

Para naman sa volcano monitoring equipment, sampu mula sa dalawampu’t apat na aktibong bulkan ang namo-monitor ng PHIVOLCS at sa bilang na ito ay dalawa lamang ang may kumpletong aparato.

Malayo aniya ito sa target na labinlima na mayroong basic at kumpletong monitoring equipment.

Paliwanag ni Bacolcol, 982 million pesos ang hiniling na pondo ng ahensya para sa PHIVOLCS modernizatiobn subalit 729 million pesos lang ang nakapaloob sa National Expenditure Program.

Upang maisakatuparan ang kumpletong modernisasyon ay mangangailangan umano ang PHIVOLCS ng pitong bilyong piso.

Dahil dito, pinagsusumite ni House Appropriations Senior Vice Chairperson Stella Quimbo ang PHIVOLCS ng “wishlist” para sa kakailanganing equipment.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *