Ika- 124 na Malasakit Center sa bansa binuksan sa CNPH

CAMARINES NORTE- Pormal nang binuksan kahapon ang ika- 124 na Malasakit Center sa bansa na matatagpuan sa Camarines Norte Provincial Hospital (CNPH).

Pinangunahan ni Sen. Christopher “Bong” Go at Governor Edgardo Tallado ang launching ng pasilidad na kapwa nagbigay ng mensahe via zoom.

Habang si acting Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco naman ang nanguna sa “unveiling” kasama ang ilang lokal na opisyal sa probinsiya at mga kinatawan mula sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na siyang mag- oopisina sa naturang pasilidad.

Sa kaniyang mensahe sinabi ni Go na noong naging senador siya ay isinulong niya hanggang maisabatas ang pagkakaroon ng Malasakit Center sa mga DOH retained at Provincial hospitals kung saan inilagay ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno sa iisang opisina kaya’t tinawag itong one- stop shop.

Dahil dito hindi na dagdag na pasakit pa sa mga mahihirap na nauubos na nga ang oras sa pagpunta sa iba’t- ibang opisina ay nagagastusan pa.

Ayon pa kay Go target ng Malasakit Center na walang babayaran sa ospital ang mga mahihirap na pasyente.

“Sa mga pasyenteng nakikinig, halimbawa po mayron kayong bill sa ospital 50 thousand, lapit kayo sa Malasakit tutulungan po kayo ng apat na ahensiya o tatlong ahensiya o dalawang ahensiya man po, kung sino po ang may pondo among the agencies na nandiyan sa Malasakit Center tutulungan po kayo at kung may balance pa po kayo tutulungan ho kayo ng pondong iniwan ni Pangulong Duterte na P3 million para po maging zero balance po ang inyong balanse po sa pagapapa -ospital, yan po ang target parati ng Malasakit Center,” ani Go.

Dagdag pa nito na nakakatuwa aniya mayroon na ngayong 124 na Malasakit Center sa buong bansa na handang tumulong sa mga mahihirap na pasyenteng walang matakbuhan kundi ang gobyerno.

Kaugnay nito, nagpasalamat si Governor Edgardo Tallado sa lahat umano ng tulong at suporta sa kaniya ng senador.

Ani Tallado, kung wala si Go ay wala rin daw ang Malasakit Center na lubhang kailangan umano sa bansa.

Nagpasalamat din ang Gobernador kahit sa mga personal umanong tulong ng senador sa kaniya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *