Ika-13 taon ng Maguindanao massacre, inalala

KORONADAL CITY — KINUMPERMA ng National Union of Journalist of the Philippines o NUJP na nagpapatuloy ang kanilang pagtutuk sa kaso ng Maguindanao massacre, 13 taon na ang nakakaraan.

Ito ang inihayag ni Kath Cortez, vice president ng NUJP sa panayam ng 95.7 Brigada News FM Koronadal.
Sinabi ni Cortez na binabantayan nila ang proseso lalo na sa ngayon na nagpapatuloy ang ilang mga court proceedings sa ibang sangkot sa masaker sa kabila ng inilabas na hatol ng Quezon City Regional Trial Court Branch 221.

Matatandaan na nangyari ang karumal-dumal na krimen sa Sitio Masalay, Barangay Salman, Ampatuan, Maguindanao noong Nobyembre 23, 2009 kung saan 58 katao ang pinatay na karamihan ay miyembro ng media.

Sa ngayon, may plano umano ang NUJP kasama ang ilang pamilya ng mga biktima na mag-hain ng motion for reconsideration sa naging desisyon ng korte. Maliban dito, ihahain din umano nila ang mas mataas na kompensasyon na makukuha ng bawat pamilya.

Kasabay ng obserbasyon ng Maguindanao massacre ngayong araw, una nang binisita ng pamilya ang massacre site kung saan nagsindi ang mga ito ng kandila at nag-alay ng panalangin sa mga namatay sa malagim na krimen.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *