Ikatlong community pantry inilunsad ng PNP HPG kaninang umaga

CAMARINES NORTE – Muling naglunsad ng Community Pantry ang PNP Highway Patrol Group kaninang umaga sa tapat ng kanilang Provincial Headquarters sa Brgy. Binanuan, Talisay, Camarines Norte.

Nagsimula ang aktibidad mag aalas 8 ng umaga at mabilis na naubos ang laman ng pantry dahil tulad ng dati ay hindi lang mga tsuper at kundoktor  ang pumila kundi maging ang ilang residente sa lugar at kahit mula sa ibang barangay.

Hindi bababa sa isang daang katao ang nabigyan ng bigas, de lata, instant noodles, itlog at gulay na kahit papaano ay malaking tulong na rin para maitawid ang kanilang pangangailangan sa loob ng isang araw.

Ang ginawang community pantry ng HPG ay tinawag na “Barangayanihan sa Kalsada,” na ang konsepto ay mabigyan ng kaunting tulong ang mga tsuper, kundoktor at motorista na pinipilahan na rin ng general public.

Nagpapasalamat naman ang HPG sa mga patuloy na tumutulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon na ipinamamahagi  sa community pantry.

Hindi maikakailang malaking tulong ang mga pinagsama- samang donasyon lalo na sa mga kapus palad.

Ito na ang ikatlong community pantry na inilunsad ng HPG sa lalawigan  katuwang ang Full spectrum riders association of the Philippines- Camarines Norte Chapter.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *