Ilang mga insidente tulad ng pagkalunod at iba pang may kaugnayan sa pagunita ng Semana Santa naitala sa CNPH

CAMARINES NORTE- Naitala sa Camarines Norte Provincial Hospital (CNPH) ang ilang mga insdente na may kaugnayan sa pagunita ng Semana Santa.

Nagsimulang makapagtala ng mga Semana Santa related incident ang CNPH noong Huwebes Santo kung saan isang 49 anyos na lalaki ang napalo ng buntot pagi pasado alas 10 ng umaga sa Calaguas island, Vinzons, Camarines Norte.

Ang biktima ay taga Pamplona, Las Pinas City na nagtamo  ng sugat sa kaliwang paa na natingnan naman ng doktor pero tumangging magpa-admit sa ospital.

Kinaumagahan naman ng Biyernes Santo ay isang 17 anyos na babae ang nawalan ng malay habang nagdadasal sa Tulay na Bato Chapel sa bayan ng Basud.

Sa parehong araw, Biyernes Santo ay isang 37 anyos na lalaki naman mula sa Barangay 8 sa bayan ng Daet ang nawalan ng malay habang nagpipinetensya sa pamamagitan ng paghampas sa sarili.

Biyernes Santo  naman ng tanghali nang malunod ang isang 21 anyos na babae mula sa bayan ng Daet habang naliligo sa Bagasbas beach.

Nadala pa ito sa CNPH pero ideneklarang dead on arrival ng doktor.

Hapon ng Biyernes Santo ng mahagip ng isang 4- wheel vehicle ang isang lalaki sa bahagi ng Salcedo sa bayan ng Daet habang papunta sa dadaluhang family reunion.

Nagtamo ito ng galos sa iba’t- ibang bahagi ng katawan.

Hapon din ng Biyernes Santo nang madisgrasya ang isang 35 anyos na binata na taga Binan, Laguna sa Calaguas island.

Namaga, nadis-locate ang bukong-bukong ng paa makaraang mapamali ang bagsak.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *