Ilang mga SIM card subscribers, nangangamba sa posibleng pagleak ng kanilang personal na impormasyon sa registration – NTC Bicol

LEGAZPI CITY – Inihayag ng National Telecommunications Commission (NTC) Bicol na marami sa mga SIM card subscribers ang mayroong apprehension o pangamba na maaaring magleak ang kanilang data o mga personal na impormasyon sa SIM Card registration.

Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay NTC Bicol Regional Director, Engr. Samuel Sabile, sinabi niya na ito ang nagiging dahilan kung bakit ayaw ng ilan na magparehistro ng kanilang SIM cards dahil baka kung magleak ay magamit pa sa ibang paraan na hindi mabuti.

Dahi dito, tiniyak ni Sabile na ang mga personal na impormasyong iiinput nila ay hindi gagamitin sa anumang bagay kundi para lamang sa SIM registration.

Ang mga datos umano tulad ng pangalan, edad, tirahan, contact details at iba pa ay saklaw ng Data Protection Law, at ipinagbabawal sa mga telco providers ang pag-disclose ng mga impormasyong ito, kung kaya’t wala namang dapat na ipangamba.

Samantala, inilatag din ng kaparehong opisina ang ilan pa sa mga kadalasang dahilan kung bakit hindi pa nakakapagparehistro ng SIM cards ang karamihan gayong nalalapit na ang deadline nito.

Sa kaparehong panayam, sinabi ni na maliban sa apprehension o ang pangamba na baka mayroong magleak na personal na impomasyon, marami sa mga subscribers ang walang government-issued IDs.

Isa kasi ang ID sa mga kinakailangan para marehistro ang SIM card bilang proof of identity.

Maliban dito umano, mayroong mga devices na luma na ang model at hindi na kaya pang magtransmit ng data information na kinakailangan.

Ayon kay Sabile, kung mayroon pa umanong mga problema ay nais naman nilang tumulong sa pamamagitan ng mga assisted SIM card registrations sa mga lugar.

Ayon sa kanya, hanggang ngayong linggo na lamang umano ito kung kaya’t tumungo na sa mga lugar na mayroong on-site o assisted registration. Subalit, magpapatuloy pa rin naman ang online registration hanggang sa Abril 26 kahit matapos na ngayong linggo ang assited registration.

Hinihikayat naman ni Sabile ang publiko na irehistro na ang kanilang SIM cards bago pa abutan ng deadline sapagkat wala na umanong extension ito.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *