CAMARINES NORTE – Sumailalim sa Business Expense Savings Training o BEST GAME ang nasa 11 negosyante sa bayan ng Capalonga sa Camarines Norte.
Ang nasabing training ay isinagawa ng Department of Trade and Industry (DTI) sa pamamagitan ng Negosyo Center Capalonga na ginanap sa Municipal Training Center, Capalonga, Camarines Norte.
Ang Business Expense Savings Training ay isa umano sa mga tools sa negosyo na lumilikha ng mga aktwal na scenario sa negosyo upang mabilis na matutuhan ng mga kalahok o trainees. Gamit ang tool na ito, mararanasan ng mga kalahok ang on-hand simulation ng pagpapatakbo ng negosyo na magiging malaking tulong para maging handa sila sa mga sitwasyong maaaring makaharap nila sa sarili nilang negosyo.
Layunin ng aktibidad na maitanim ang wastong kaisipan ng pagnenegosyo sa mga kalahok at gabayan sila kung paano patakbuhin at pamahalaan ang isang negosyo.
Pinangasiwaan ni DTI Business Councilor Kevin Battaler ang pagsasanay sa pamamagitan ng iba’t ibang platform tulad ng mga lecture, workshop, at simulation at hinikayat ang mga trainees na aktibong makibahagi sa aktibidad.
