Tutol ang ilang residente ng Barangay San Roque sa Distrito ng Bacon sa planong muling pagbuhay ng paliparan sa lugar.
Sa pahayag sa Brigada News kay Ginoong Roque Jim Aramburo, residente ng Sitio Gabao, sinabi nito na kung sila ang tatanungin ay ayaw nilang matuloy ang domestic airport sa kanilang lugar sa dahilang maapektuhan nito ang kanilang kabuhayan.
Tiyak kasi umanong tatamaan ng proyekto ang kanilang mga sinasakang lupa bukod pa sa apektado din ang patubig ng mga sakahan ng nasa 70 mga magsasaka hindi lang sa kanilang lugar kundi maging ng kanilang mga kalapit barangay.
Aniya, sa Sitio Gabao kasi umano nanggagaling ang tubig na nagsisilbing irigasyon sa nasabing mga palayan gayundin ng iba pang mga taniman.
Matatandaan na kamakailan lamang ay nagsagawa ng public hearing ang Pamahalaang Lalawigan ng Sorsogon para sa planong domestic airport sa lugar bilang preliminary phase ng consultation process upang makuha ang feedback ng mga residente na isa sa mga ikinokonsederang importanteng bagay sa mga susunod na hakbang ng lokal na pamahalaan.
Photo : Glenn Olayres Belarmino
