Tinutulan nina Senate Minority Leader Koko Pimentel at Senator Risa Hontiveros ang mungkahi ni Ombudsman Samuel Martires na itigil ang mandatory publication ng annual audit report ng Commission on Audit (COA).

Ayon kay Pimentel, importanteng maisapubliko ng COA ang paggamit ng pera ng iba’t ibang ahensya bilang pagpapakita ng transparency sa lingkod bayan.
Ito naman ay bagay na sinang-ayunan ni Hontiveros dahil malaki ang maitutulong ng pagkakaroon ng transparency sa pagkakaroon ng good governance o maayos na pamamahala.
Dagdag pa niya, agad ding makikita sa Audit Observation Memorandum (AOM) ng COA ang mga anomalya tulad ng napag-alamang pharmally scandal, overpriced laptop para sa mga guro at irregularities sa Unified Financial Assistance System (UNIFAST).
Samantala, naniniwala si Senator Imee Marcos na dapat hindi i-weaponize ang mga report kung kaya’t maganda kung mabibigyan ng Senado ang pag-aaral sa suhestiyon ng ombudsman.
Kaugnay nito, tiniyak ni Senator Sonny Angara na pag-aaralan ito ng Committee on Finance habang isinasaalang alang ang karapatan ng bawat mamamayan.