Illegal attachment sa sasakyan tulad ng mga pailaw kinumpiska sa ilang motorista sa One Time Big Time Operation ng HPG at LTO

CAMARINES NORTE – Naglunsad muli ng One Time Big Time Operation ang Philippine National Police Highway Patrol Group at Land Transportation Office katuwang ang mga local traffic enforcers sa magkakahiwalay na bayan sa Camarines Norte.

Ginawa ang OTBT sa bayan ng Talisay kasabay din ng Comelec checkpoint ng local police force Martes ng umaga gayundin sa Basud.

Sa gabi naman ay pumuwesto ang mga awtoridad sa kahabaan ng Vinzons Avenue malapit sa isang mall dito sa bayan ng Daet.

Dito ay pinuntirya ang mga motorista na naglalagay ng illegal attachment sa sasakyan tulad ng pailaw at blinker sa kabila ng paulit- ulit na paalala ng HPG.

Apat na illegal blinker ang kinumpiska at isang LED lamp.

Sa ilalim ng Presidential Decree No. 96, ay ipinagbabawal ang paglalagay ng blinker at wang -wang sa sasakyan dahil nalalagay sa peligro ang buhay at pag- aari ng ibang motorista. Nakaka- distract din kasi ito lalo na sa kasalubong na sasakyan.

Pinapayagan naman ang paggamit ng auxiliary light pero hanggang dalawa lang ng auxiliary supplemental lights/lamps ang pwedeng gamitin at hanggang anim na bombilya lang sa kada auxiliary light.

Dapat din na may sarili itong wire at switches at nakatuon pababa at hindi patungo sa kaliwang parte ng sasakyan.

Puti o may halintulad sa dilaw ang kulay at hindi nakalagay sa kung saan maapektuhan ng vibration.

Hindi rin ito dapat ginagamit sa maliwanag na lugar o kapag may kasalubong na motorista dahil pwede itong magdulot ng disgrasya.

Sa naturang operasyon ay umaabot sa 145 na violation ticket ang inisyu.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *