Imbestigasyon ng Senado sa ‘di umano’y ‘kulto’ na Socorro Bayanihan Services, lumarga na

Humarap sa pagidnig ng Senado ang sinasabing lider ng ‘di umano’y kulto na Socorro Bayanihan Services na si Jey Rence Quilario alyas ‘Senior Aguila’.

Sa pagharap ni Quilario – isa-isa niyang pinabulaanan ang mga alegasyong ibinabato sa kaniyang grupo.

Kabilang na rito ang kuwento ng isang alyas ‘Jane’, kinse-anyos na ‘di umano’y sapiltian siyang ikinasal sa isang disi-otso anyos na lalaking ‘di naman niya kilala.

Sa kuwento kasi ni ‘Jane’ – hindi raw nila matanggihan itong si ‘Senior Aguila’ dahil itinuturing daw siyang Panginoon ng kanilang grupo.

Sabi pa ng biktima – ‘di umano’y binibigyan ng authority ni Aguila ang mga asawa ng kababaihan sa grupo na i-rape ang mga babae doon matapos ang wedding ceremonies.

Pinabulaanan din ni Quilario ang kuwento ng isang alyas ‘Renz’, dose-anyos, na ‘di umano’y pinipigilan silang mag-aral at pinipilit silang maging sundalo.

Bago pa man ito, inisa-isa pa ni Hontiveros ang iba pang mga alleged human rights violations ng grupo.

Kabilang na rito ang umano’y pagkulong at pagpa-paddle sa mga miyembro nilang lumalabag sa loob ng isang ‘foxhole’; pati na rin ang ‘di umano’y pagpapalangoy sa mga violators sa isang ‘aroma beach’ – ‘o ‘yung isang lugar na punung-puno ng dumi ng tao

Pina-contempt sa Senado

Pina-cite-in-contempt ng Senate Commitee on Public Order and Dangerous Drugs ang apat na mga lider ng sinasabing ‘kulto’ na Socorro Bayanihan Services.

Aprubado ng chair ng Kumite na si Senator Bato dela Rosa ang naging mosyon ni Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality chair Hontiveros.

Kabilang sa mga ide-detain sa pasilidad ng Senado pagkatapos ng pagdinig ay sina ‘Senior Aguila’, ang sinasabing lider ng umano’y kulto; Mamerto Galanida; Janeth Ajoc’ at Karren Sanico.

Ito ay matapos silang mag-deny sa mga akusasyon ng mga tumestigong biktima ng grupo hinggil sa early marriage ng mga batang miyembro nila.

Sa pagdinig – mismong ang isa pa sa mga anak ni Ajoc ay napag-alamang ikinasal din.

‘Kahoy na baril lang’

Mariing itinanggi sa Senado ni Quilario na totoo ang mga baril na hawak ng kanyang mga kasama sa larawan kung saan makikitang nakasuot ito ng puting long sleeves.

Ayon kay Quilario, kahoy lang ang mga ito, na siyang tinutulan naman ng kasambahay nitong si Jeng Plaza dahil totoo raw ang mga ito.

Dagdag pa ni Plaza, ang mga taong nasa larawan ay parte ng “Agnos” o ikalawang rango ng Agila Squad.

Maalala, bago ito, una nang ipinakita ang ‘marka’ ng ilang mga miyembro nito sa kanilang kamay.

Sila umano ay mga miyembro ng ‘Soldiers of God’ kung saan – pati ang mga sinasabing ‘matatapang’ na mga bata ay mayroon ding marka nito.

Samantala, sinabi naman ni Galanida, vice president ng grupo, at isa ring kawani noon ng DepEd na nagulat siya sa mga rebelasyon na ito.

Depensa pa niya – masiyado raw busy ang mga kabataan sa pag-aaral para mag-train pa bilang mga sundalo.
#

READ MORE:

Socorro Bayanihan Services, nanindigang ‘di sila kulto

Kinakandado ang tumatangging makipagtalik

Ikinukulong ang mga batang babae ng Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI) sa Sitio Kapihan kapag tumangging makipagtalik sa mga asawang ipinares sa kanila ng kanilang lider.

Ayon sa testigong si Lovely, tumanggi ang kanyang 12-anyos na kapatid na babaeng makipagsiping sa lalaking pinili ni Senyor Agila.

Pinagsasama-sama sa kulungan ang mga menor de edad na babae at patatawarin lamang sila kung sisiping sila sa kanilang mga asawa.

Samantala, nang tanungin ni Chairman Committee Senador Ronald “Bato” dela Rosa si Agila kung totoo ang sinabi ng testigo, ay tumanggi siya at sinabing hindi ito magagawa.

Higit 800 kabataang miyembro ng SBSI, tumigil sa pag-aaral

Nadiskubreng mahigit sa 800 kabataang estudyante na miyembro ng Socorro Bayanihan Services Inc ang nag-drop sa kanilang pag-aaral.

Ayon kay Schools Division Superintendent Dr. Karen Galanida, batay sa kanilang record ay nangyari ang malawakang drop out kasunod ng “massive exodus” sa Sitio Kapihan sa Socorro, Surigal del Norte.

Nag-drop out ang mahigit 800 na mag aaral, 103 DepEd personnel ang nagbitiw/nagretiro, at mayroon mga gurong nag-AWOL noong Pebrero pero karamihan ay nag-resign noong Hunyo, Hulyo 2019

Pinilit naman ng DepEd na matulungang makapag-aral ang mga bata mula sa lugar sa pamamagitan ng Alternative Learning System o ALS subalit sa 150 na enrolled, walo lamang ang nakatapos.
#

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *