IMBESTIGASYON SA PAMAMASLANG SA ISANG GURO SA ALCALA, CAGAYAN, NAGPAPATULOY

Nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng kapulisan hinggil sa pamamaril at pagpatay sa isang guro na nakasakay ng bangka sa Alcala, Cagayan.

Sa nakuhang impormasyon ng 92.9 Brigada News FM Cauayan, kinilala ang biktima na si Nicanor, 50-anyos at guro sa isang elementarya sa nasabing lugar.

Kinumpirma ni PNP Alcala Chief of Police PMaj George Maribbay na maroon nang nakikitang person of interest sa pagpatay sa nasabing guro.

Aniya, batay sa kanilang imbestigasyon ay sinabi umano ng dalawang operator ng bangka na nakasakay na ang biktima at isa pang lalaki sa bangka habang hinihintay ang iba pang guro na sumakay upang umuwi.

Ang kasama umano nilang lalaki ang nagtanong ng pangalan ng biktima at nang sinabi ng biktima ang kaniyang pangalan ay dito na siya pinagbabaril.

Matapos isagawa ang krimen ay agad namang tumakas ang gunman dala dala ang slingbag ng biktima na naglalaman ng diary, pitaka at mga valid identification cards.

Habang nagtamo naman ang guro ng limang tama ng bala ng baril sa kaniyang ulo at isa sa dibdib nito.

Hindi na umano nakilala ng dalawang operator ng bangka ang suspek dahil nakasumbrero ito at mayroong takip ang mukha.

Dagdag pa ni PMaj Maribbay, bangka lamang ang transportasyon ng mga residente upang makapunta sa poblaciĆ³n area ng bayan ng Alcala.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang malalimang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa nasabing insidente.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *