Inagurasyon sa P30m Zinundungan RIS, isinagawa

Isinagawa ng National Irrigation Administration ang inagurasyon o pormal na pagbubukas ng Sicalao Diversion Dam o ang Zinundungan River Irrigation System na pinondohan ng 30. 332 milyon pesos sa Brgy. Sicalao, Lasam, Cagayan.

Sa nakuhang impormasyon ng 92.9 Brigada News FM Cauayan, pinangunahan ni Senior Deputy Administrator Abrahan Bagasin ang naturang seremonya.

Batay sa ibinahaging pahayag ni Senior Deputy Administrator Bagasin, kinilala nito ang pagsisikap ng bawat isa sa pagpapanitili ng proyektong paggawa ng irigasyon ng NIA upang matugunan ang maayos na pagpapatubig sa mga sakahan.

Magugunita na una nang napaulat na sa Sicalao River magmumula ang tubig na dadaloy sa Zinundungan RIS kung saan mayroon itong ogee length na 52.4 meters at taas na 2.65 meters.

Mayroon din itong isang unit ng sluice gate na may discharge capacity na 2.05 cubic meters per second na kayang patubigan ang nasa 2,938 ektarya ng sakahan kung saan 23 barangays at kabuoang 1,639 na magsasaka sa Lasam, Cagayan ang makikinabang rito.

Samantala, nakatuon parin ngayon ang NIA sa mandatong magbigay ng maayos, maaasahan, at napapanatiling serbisyo sa irigasyon para sa mga magsasaka sa gitna ng pandemya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *