Index crime rate sa bansa ngayong buwan ng Disyembre, bumaba ng 31 percent ayon sa PNP

Iniulat ng Philippine National Police (PNP) na bumaba sa 31 percent ang bilang ng mga krimen sa bansa partikular ang mga itinuturing na focus crimes simula noong December 1 hanggang nitong December 25, 2022.

Batay sa datos, ipinagmalaki ni PNP chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. na ngayong taon, nasa 2,049 na focus crimes lamang ang kanilang naitala, mas mababa kumpara sa 2,975 focus crimes na naitala nang kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Ipinunto ni Azurin na sa Luzon, bumaba ang index crimes hanggang 30.11 percent; sa Visayas, nasa 29.49 percent ang ibinaba habang sa Mindanao naman, nasa 35.56 percent.

Kabilang sa mga focus crimes na tinutukoy ng PNP ay ang theft, physical injury, rape, robbery, murder, homicide, motorcycle theft at vehicle theft.

Sa mensahe ni Azurin, sinabi nito na nakakatuwang isipin na nitong nagdaang Pasko, naging generally peaceful sa buong bansa kung saan wala silang naitalang untoward incident.

Kasabay nito, pinasalamatan ni Azurin ang aniya’y “relentless effort” ng mga PNP personnel sa buong bansa para sa pagpapanatili ng katiwasayan at kapayapaan ngayong holiday season.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *