CAMARINES NORTE – Natapos na kahapon ang tatlong araw na pay out para sa mga benepisyaryo ng social pension sa bayan ng Basud, Camarines Norte na nagsimula noong Martes.
Umaabot sa mahigit dalawang libo ang mga mahihirap na senior citizen sa naturang bayan na tumanggap ng social pension para sa ikalawang semester nitong taon.
Ang pay out ay pinamahalaan ng Municipal Treasurer’s Office at ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO).
Tumanggap ng tatlong libong piso na social pension ang mga indigent senior citizen.
Bagamat hindi kalakihang halaga, nagpapasalamat na rin ang mga senior citizen dahil kahit papano ay makakatulong din umano ito sa kanilang pang- araw- araw na gastos lalo na sa pambili ng gamot.
Gayunman hangad pa rin ng mga ito na maibigay na sa kanila ang karagdagang P500 social pension kada buwan na dapat sana ay naipatupad ngayong taon.
Mababatid na nananatiling P500 kada buwan ang social pension ng mga indigent senior citizen, kahit na naipasa ang batas na nagdodoble sa halaga nito noong nakaraang taon.
Sa 2024 National Expenditure Program, naglaan ng P49.80 bilyon para sa P1,000 kada buwan na social pension ng mga indigent senior citizen.
Sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act, P25.30 bilyon ang inilaang pondo para sa social pension ng mga indigent senior citizens.
May inilaan ding P25 bilyon sa ilalim ng unprogrammed funds para sa dagdag pensiyon.
