Inflation rate ng bansa, lumobo pa sa 7.7%

Lalo pang sumirit at bumilis ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa bansa.

Ayon sa Philippine Statistics Authority, lumobo pa sa record-high na 7.7% ang inflation rate ng bansa ngayong Oktubre.

Mas mataas pa ito sa 6.9% na naitala noong Setyembre – pinakamataas na inflation sa loob ng 14 na taon.

Sa ulat ng PSA, ang mga pangunahing nag-ambag sa overall inflation para sa Bottom 30% Income Households nitong Oktubre 2022 ay ang mga commodity groups na Food and Non-Alcoholic Beverages, Restaurants and Miscellaneous Goods and Services at Furnishings, Household Equipment and Routine Maintenance of the House

11 rehyon din sa bansa ang nagtala ng mabilis na inflation.

Sa ngayon, nananatili ang year-to-date inflation sa 5.4%.

Economic managers ng Gobyerno, tiniyak na binabantayan ang pagsirit ng presyo ng mga bilihin

Idiniin ni National Economic and Development Authority o NEDA socioeconomic planning Secretary Arsenio Balisacan ang kahalagahan ng pagkakaroon ng ‘targeted relief’ para maibsan ang epekto ng mabilis na inflation.

Sa isang pahayag, sinabi ni Balisacan na ang prayoridad nila sa ngayon ay pagtugon sa mga pinaka-vulnerable sectors ng ekonomiya.

Dahil dito, magpapatuloy umano ang mga programa ng pamahalaan kabilang na ang mga cash transfers at fuel subsidy.

Sa ganitong paraan aniya ay mababawasan ang impact ng inflation na dulot ng paghina ng ekonomiya sa buong mundo, pati na rin ang mga sunud-sunod na sakunang tumama sa bansa na nagdulot ng mas mababang produksyon ng pagkain.

Sa huli, tiniyak ni Balisacan na magiging proactive sila sa pag-manage ng mga epekto ng inflation, at ang pagbibigay ng agarang tulong sa mga direktang naaapektuhan nito.
#

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *