INIREKLAMONG POULTRY FARM SA MINANTE DOS, SUMAILALIM SA INSPEKSYON

Sumailalim sa inspeksyon ang inirereklamong poultry farm sa Barangay Minante Dos, Cauayan City, Isabela.

Pormal itong binisita at siniyasat ni Cauayan City SP Bagnos Maximo Jr katuwang ang mga kawani ng Sanitation Office at Public Order and Safety Division.

Ang naturang inspeksyon ay ikinasa matapos na makatanggap ng reklamo ang opisina ng sanidad mula sa mga residente hinggil sa umaalingasaw at masangsang na amoy na nanggagaling sa sako-sakong dumi ng mga manok na itinambak na lamang sa isang lote.

Binusisi ng mga otoridad ang naturang pasilidad na may lawak na sampung ektarya kung saan nagtungo rin ang mga ito sa lugar kung saan umano itinambak ang mga sako-sakong dumi ng manok.

Napag-alaman na bago pa man ang inspeksyon ay kusa nang inaksyunan ng may-ari ng poultry farm ang nasabing mga basura.

Anila, karaniwan umanong kinukuha ng mga magsasaka ang mga naturang dumi ng manok upang gamitin bilang pataba sa kanilang mga pananim.

Samantala, nangako naman ang pamunuan ng inirereklamo na kanilang tatabunan ang mga sako-sakong dumi ng hayop upang hindi na ito umalingasaw pa at maka-perwisyo sa mga residente.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *