LEGAZPI CITY – Nilinaw ng Malinao Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) na unang insidente ng nakidlatan dahil sa kidlat ngayong taon ang naitala kahapon sa nasabing bayan na ikinasawi ng isang magsasaka.
Kinilala ang biktimang si Reymar Rubia, 24 anyos, samantalang sugatan naman ang dalawa pa nitong kasamahan na sina Angelo Ros Hopio, 18 anyos at Ariel Hopio Ros, 31 anyos.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay MDRRMO head Jose Lord Cid, sinabi niya na huli silang nakapagtala na mayroong mga tinamaan ng kidlat noong mga taon pang 2019 o 2020, ngunit ngayong taon, ito ang unang pagkakataon.
Aniya, anihan kasi nila ng palay kaya’t magkakasama silang tumungo sa sakahan, subalit umulan bandang alas 2 ng hapon at biglaang kumidlat na tumama sa 3-4 metrong distansya mula sa kanila at dito tinamaan ang nasawing biktima dahil sa lakas ng kuryente.
Samantala, umaasa si Cid na hindi na masundan pa ang nangyaring insidente kaya nag-iwan siya ng mensahe sa mga residente na huwag nang lumabas o manatili na lamang sa loob ng bahay kung hindi naman sigurado sa lagay ng panahon upang makaiwas sa kaugnay na insidente.