Installment only policy sa mga business establishment, ipinagbabawal ng dti

Ipinagbabawal ng Department of Trade and Industry ang pagkakaroon ng “Installment Only Policy” sa mga business establishment alinsunod sa inilabas ng  DTI Department Administrative Order No. 21-03, series of 2021 (DAO 21-03, s. 21-03).

Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay DTI Isabela Provincial Director Winston Singun, ang nasabing kautusan ay nagkabisa noong April 21, 2021 kung saan nakasaad dito ang karapatan ng konsyumer na pumili ng paraan ng pagbabayad.

Aniya, nakasaad ang ‘payment options’ ng mga mamimili gaya na lamang ng cash, installment o kombinasyon ng dalawa batay sa karapatan ng mamimili.

Ayon pa kay PD Singun, ang mga nasabing ‘payment options’ ay dapat nakapaskil sa loob o labas ng mga business establishment upang agarang makita ng mga konsyumer.

Dagdag pa niya, kadalasan sa kanilang natatanggap na reklamo ay ang mga tindahan partikular ang mga dealer ng sasakyan kung saan installment lamang ang kanilang pinapayagan.

Isa umano sa kanilang dahilan ay mas kumikita ang mga ito sa installment dahil sa interest kumpara sa pagbabayad ng cash.

Ilan lamang ito sa mga nakitang problema ng DTI Head office kung kaya’t inilabas ang DAO 21-03 bilang tugon sa mga hinaing ng mamimili.

Dahil sa ipinagbabawal ito ng batas, ang lahat ng makikitaang lumabag ay maaaring makasuhan ng administratibo o iba pang violation sa ilalim ng Consumer Act.

PHOTO FILE

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *