Inter-Agency Medical Repatriation Assistance Program para sa OFWs, pinare-review ng isang kongresista

Pinasisilip ni OFW Party-list Representative Marissa Magsino sa Kamara ang implementasyon ng Inter-Agency Medical Repatriation Assistance Program para sa overseas Filipino workers.

Batay sa House Resolution Number 1373, nais ni Magsino na ipa-review ang pagpapatupad ng naturang programa kasama na ang pagtatayo ng “dedicated wards” ng Department of Health para sa OFWs.

Binanggit ng kongresista ang Joint Memorandum Circular Number 2017-0001 na inilabas noong June 16, 2017 na naglilikha sa IMRAP upang bumuo ng integrated system at process flow sa medical repatriation ng OFWs.

Pero iginiit nito na simula nang mailabas ang joint memorandum, maitatag ang Department of Migrant Workers at maranasan ang global public health crises, napapanahon na ang assesssment ng programa pati na ang implementing guidelines upang matugunan ang mga hamon sa medical repatriation ng OFWs.

Ipinaliwanag din ni Magsino na kailangan nang mas mapaghandaan ang emergency medical repatriation response ngayong unti-unti nang sumisigla ang deployment ng OFWs at tumataas ang banta sa occupational safety at health issues.

Dagdag pa ng mambabatas, nakatatanggap ito ng mga ulat na hindi umano nasusunod ang alokasyon ng dedicated wards para sa OFWs sa tertiary public hospitals at walang bakanteng hospital beds kaya napipilitan ang mga pasyente na lumipat sa pribadong pagamutan.

Bukod dito, naglalabas na umano ng pera ang OFWs para lang mabayaran ang serbisyong medikal kaya marapat na i-review ang implementasyon ng DOH Department Order Number 2023-0003.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *