Inuupahang bahay sa Naga City, nasunog!

NAGA CITY-Nilamon ng lumalagablab na apoy ang inuupahang tahanan sa Barangay Lerma , Naga City.

Nangyari ang insidente bandang alas 3:49 ng hapon kahapon sa bahay na nirerentahan nina Arvie Revillon.

Inihayag sa Brigada News FM Naga ni SFO1 Arwin Yap na natutulog ang kasambahay at isang bata nang magising sa mabahong amoy. Nakita ang usok mula sa may bandang labas ng tahanan at dali-daling humingi ng saklolo bitbit ang bata subalit pagbalik malaki na ang apoy.

Nagbayanihan sana ang ilang residente subalit hindi na kaya ng maliliit na hose at kakaunting balde ng tubig. Rumisponde ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection o BFP Naga at Fire volunteer na Chin Po Tong. Pinagtulungan maapula ang sunog sa gawa sa light materials na bahay. Nasunog rin ng bahagya ang ikalawang palapag ng katabing tahanan. Alas 4:07 nang ideklarang fire out.

Inaalam pa ng BFP kung ano ang sanhi ng sunog at ang halaga ng pinsala. Maswerteng walang nasugatan sa insidente.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *