Mahaharap sa panibagong kasong grave coercion si dating Bureau of Corrections director general Gerald Bantag.
Sa isang pahayag, sinabi ng Department of Justice kahapon, na ihahain ang reklamo laban kay Bantag sa Muntinlupa City metropolitan trial court.

Nag-ugat ito sa reklamo ng ilang jail officers ng Iwahig Prison and Penal Farm sa Palawan na umano’y pinilit silang pumirma sa isang kasulatan na nagsasaad na walang nangyaring pamamaril sa IPPF noong March 2, 2020 kung saan sangkot umano ang ilang BuCor personnel.
Bukod kay Bantag, kabilang rin sa sasampahan ng kasong grave coercion sa parehong korte si dating BuCor Deputy Director General for Administration Gabriel Chaclag at sampung iba pa.
Lumabas umano sa imbestigasyon na kabilang si Chaclag sa pumilit umano sa isa sa mga nagreklamong prison guard na pirmahan ang dokumento.//CA