Isa sa mga miyembro ng “Magnificent 5” sa Cessna plane crash rescue and retrieval operations, nagbahagi ng kwento ng tagumpay na matunton ang crash site

LEGAZPI CITY – Ibinahagi ng isang miyembro ng tinaguriang Magnificent 5 sa katatapos lamang na rescue at retrieval operation sa Cessna plane crash sa Albay ang kanyang kwento ng tagumpay na matunton ang crash site.

Kwento ni Gerry Nodalo, 33 anyos na local mountaineer at residente ng Brgy. Anoling ng Camalig sa Brigada News FM Legazpi, una ay nag-uusap muna sila kasama ang iba niyang kasamahan na sina Jose Obal, Orly Nantes, Marjames Mariñas at Roger Villanueva na hanapin ang bumagsak na eroplano dahil may nakapagkwento ring posibleng mayroong mga buhay na pasahero, kung kaya’t sinubukan nilang hanapin ang mga ito upang matulungan.

Ani Nodalo, sila ay pawang mga magsasaka sa kanilang barangay at nagkusa lamang sila na akyatin ang bulkan.

Sa unang araw ng operayon ay sila ang pinakaunang nakarating sa wreckage, kung saan nagsimula silang umakyat bandang alas 6 ng umaga at narating nila bandang alas 11 ng umaga, kung saan ay nakita nila ang crash site sa pinakatuktok ng bulkan.

Pagsapit umano ng alas 12 ng tanghali ay nagsimula naman silang bumaba upang ipakita sa mga otoridad ang mga larawan, at nakababa sila bandang alas 4 ng hapon.

Pagkatapos ay nagpabalik-balik pa umano sila ng ilang araw hanggang matapos ang operasyon alinsunod sa utos ni Mayor Caloy Baldo dahil sila na umano ang nagsilbing gabay sa iba pang responders.

Ilan pa sa ibinahagi ni Nodalo, naranasan nila na pakiramdam nila’y ayaw silang paakyatin dahil sa panganib.

Aniya, napakalakas ng hangin sa may bandang ibaba ng bulkan at sobrang makapal ang hamog, kung kaya’t hindi na masyadong naaaninag ang ibang bahagi nito.

Ayon pa sa kanya, isang maling apak o hakbang lamang doon ay maaaring makapagbuwis ng buhay dahil sa sobrang delikado ng mga trail sa bulkan, at dumagdag pa ang pabago-bagong lagay ng panahon nang mga araw na iyon.

Sinabi ni Nodalo, ayaw na sana ng kani-kanilang pamilya na magpatuloy pa sila sa pagtulong na marating ang tuktok upang hanapin ang mga sakay ng eroplano, subalit dahil din umano sa kagustuhan nilang makatulong ay kinausap na lamang nila ang kanilang mga kamag-anak.

Positibo, aniya, ang kanilang pag-iisip dahil napag-usapan nilang hindi sila titigil hangga’t hindi nila nararating ang mismong crash site.

Samantala, dahil din sa kanilang husay, sakripisyo at hangaring makatulong, sila ay kabilang sa mga binigyang-parangal at pagkilala ng LGU ng kanilang bayan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *