Isabela, nananatiling nasa critical o high risk ang hospital use classification

Nananatili sa critical o high risk ang Hospital Use Classification sa lalawigan ng Isabela matapos maokupa ang nasa 94.2% na hospital beds na inilaan sa mga COVID-19 patients sa pribado at pampublikong hospital.

Kabilang ito sa natalakay ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) – Isabela Chapter kahapon sa Provincial Capitol.

Ayon kay Dr. Nelson Paguirigan, Isabela Provincial Health Officer, sa kanilang pinakahuling datos ay umabot na sa 3, 821 ang kabuoang aktibong kaso ng probinsya kung saan pinakamarami sa mga ito ay mula sa Santiago City, Angadanan at San Guillermo.

Sa ngayon ay nakapagtala ng 1,120 na bilang ng mga nasasawi dahil sa naturang virus at karamihan sa mga ito ay galing sa tatlong syudad ng Cauayan, Santiago at Ilagan.

Aniya, muling naranasan ang surge ng kaso ng COVID-19 sa nagdaang buwan ng Agosto at ngayong Setyembre.

Samantala, sa pamamagitan naman ng itinatag na One Isabela Command Center, nakapamahagi nang libre ang pamahalaang panlalawigan ng 1, 682 vials ng Remdesivir, 32 vials ng Tocilizumab, 2,924 (200 mg) at 7,152 (400 mg) ng Favipiravir.

Ayon kay Governor Rodito Albano III, sa ngayon ay nagkakaubusan na ng suplay ng mga gamot gaya ng Tocilizumab kaya’t patuloy silang umoorder pa ng karagdagang suplay.

Hinimok din niya ang mga alkalde na mayroon pang pondo na gustong bumili na makisabay na sa PGI upang makamura.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *