Huli sa CCTV camera ang ginawang pananamantala ng isang babae sa isa ring babaeng customer sa isang grocery sa Malvar St. sa Puerto Princesa City nitong araw ng Linggo, February 12, 2023.
Ang biktima ay si Cherry Ann Develos na taga- barangay Sicsican sa lungsod.
Kwento nito sa Brigada, bandang alas-onse ng umaga kahapon nang pumunta sila para bumili ng mga paninda kasama ang kanyang magulang at pinsan subalit hindi nito akalain na siya’y mananakawan.
Sa CCTV footage ng Andrew’s grocery ay makikita ang babaeng suspek na tila pumipili rin ng bibilhin nito habang naroon si Cherry Ann. Ilang sandali pa, dinikitan na nito ang biktima sabay dukot sa wallet sa loob ng bag ng walang kamalay- malay na biktima.
Nakuha ng suspek ang isang wallet na may lamang mahigit tatlong libong piso na ipambibili sana ng mga paninda at mga ID.
Idinagdag pa ni Cherry na nalaman na lang niya na nawawala na ang kanyang pitaka nang siya’y magbabayad na sa cashier sa isa pang Mall sa Malvar kaya binalikan niya ang grocery store.
Samantlaa, ang insidente ay iniimbestigahan na ng pulisya.