Gov’t housing, dapat malapit sa eskwela at palengke – BBM

Ipinangako ni Pangulong Bongbong Marcos na magtutuluy-tuloy ang kanilang mga programa para sa pagkakaroon ng mura at dekalidad na mga pabahay para sa mga pamilyang Pilipino.

Sa kanyang talumpati sa turnover ng 30,000 na housing units sa Naic, Cavite – siniguro ng Pangulo na isasakatuparan nila ang pagpapatayo ng isang milyong pabahay kada taon ng Gobyerno.

Pinatitiyak din ng Pangulo sa mga kawani’t opisyal ng Department of Human Settlements and Urban Development o DHSUD na dapat ay magkaroon ng mga pabahay na malapit sa mga lugar ng trabaho, eskwela, at mga pamilihan.

Sa ganitong paraan aniya ay maiiwasan na ang mahabang travel time ng mga Pilipino mula sa kanilang bahay, papunta sa kanilang mga papasukan.

Sabi pa ni Marcos – umakyat na sa 6.5 million ang kakulagan sa pabahay sa Pilipinas, kaya naman sisikapin ng kanilang administrasyon na matugunan ito.

Maliban sa mga housing projects, siniguro rin ng Pangulo na mas marami ang oportunidad at pagkakataon para sa hanapbuhay ng mga Pilipino.

Sa huli, hinikayat ni Marcos ang mga housing beneficiaries na maging kaisa para sa pagpapayaman ng kani-kanilang mga komonidad.
#

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *