Israeli PM, nagbabala sa posibleng bagong COVID-19 outbreak

Nagbabala si Israeli Prime Minister Naftali Bennett sa posibleng pagkakaroon ng panibagong outbreak ng coronavirus sa kanilang bansa dahil sa muling pagtaas ng kaso ng virus infections doon.

Ayon kay Benett ang muling pagtaas ng mga kaso ng covid-19 sa Israel ay posibleng dahil sa mga returning travelers na may dalang Delta variant.

Dahil dito, sinabi ni Benett na palalawakin nila ang kanilang testing facility upang maagapan agad ang muling pagkalat ng virus.

Noong Lunes ay nakapagtala ang Israel ng 125 new infections na siyang pinakamataas na daily covid-19 case na naitala simula pa noong buwan ng Abril.

Naitala ang panibagong outbreak sa bayan ng Binyamina-Givat Ada kung saan nasa 1,000 katao ang isasailalim sa quarantine.

Kaugnay nito, sinabi pa ng Prime Minister na kung magpapatuloy ang pagtaas ng mga bagong kaso sa bansa, muling ipapatupad ang pagsusuot ng facemask sa mga indoor areas.

Mababatid na kamakailan ay pinayagan na ang lahat ng taga-Israel na hindi magsuot ng facemask sa mga indoor at outdoor areas, matapos na mabakunahan ang halos nasa 80 porsiyento ng kanilang kabuuang populasyon.

Samantala, inanunsyo naman ng Tourism Ministry ng Israel na dahil sa banta ng Delta variant, ipinagbabawal na muli ang pagpasok ng mga turista sa kanilang bansa hanggang sa August 1.

Kaugnay pa nito, ipinag-utos ni Benett na bakunahan na rin ang mga kabataan na nasa edad 12 hanggang 15.

Mababatid na ang Israel ang pinaka-successful na bansa sa buong mundo pagdating sa vaccination program.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *