Naging mainit sa Social Media ang isyu sa umano’y pagka-antala ng sahod at kontrata ng mga Job Orders (Jos) ng Local Government Unit ng Juban, Sorsogon.
Sa mahabang post ni Municipal Councilor Atty Gershon Cariἠo sa kanyang facebook account, sinabi nito na halos 13 buwan na ang nakalipas, ngayon lamang umano nagkaroon ng kontrata ang mga Job Orders at Contractual Employees ng LGU sa kabila ng paalala ng Pamahalaang Lalawigan.
Ayon pa kay Konsehal Carino, nangungutang na umano ang ilang JOs at contractual employees dahil sa pagkaantala ng sahod ng mga ito na dapat umano ay prayoridad ng Alkalde at Human Resources o HR.
Huwag na sana umanong isisi sa iba ang kabagalan, inefficiency at pamumulitika ng LGU.
Sa Official Statement naman ng ipinalabas ng LGU, sinagot nito ang mga paratang ni Councilor Carino.
Paglilinaw ng LGU, nag kakaroon ng re-orientation at renewal ng kontrata ang mga JOs at Contractual Employees kada anim na buwan.
Hindi aniya totoo na may paninira o paninisi sa pagkaantala ng sahod ng mga manggagawa.
Hindi rin aniya totoo na 13 buwan ang nakalipas ay ngayon lamang nagkaroon ng kontrata.
Ang kontrata umano ng mga mangagawa ay alinsunod sa Civil Service Commission at Commission on Audit bilang basehan ng disbursement ng kanilang sahod.
Bawa’t JOs at Contractual employees ay mayroon umanong kontrata.
Naabisuhan rin umano ang mga manggagawa sa naging dahilan kung bakit naantala ang kanilang sahod nitong mga nakalipas na buwan.
Inabisuhan rin ni Mayor Gloria Alindogan ang mga JOs at Contractual Employees na mag sumite ng kanilang mga dokumento sa tamang oras upang hindi maantala ang kanilang sahod.
