Janine at Zanjoe, magtatambal sa pamatay na revenge drama; award-winning actress Dolly De Leon, kasama sa powerhouse cast

Magtatambal sa pinakaunang pagkakataon sina Zanjoe Marudo at Janine Gutierrez sa isang pinaka-pamatay na revenge drama na “Dirty Linen.”

Ang naturang proyekto ay pagbibidahan din ng mga award-winning cast na pinangungunahan nina Seth Fedelin at Francine Diaz. Ito rin ang unang pagsasama nina Seth at Francine bilang love team.

Kasama sa casts ang award-winning actress na si Dolly De Leon na gagampanan ang papel na bilang ina ni Janine (Alexa).

Sa aabangang drama ay sukdulan ang paghihiganti ni Janine upang maningil ng hustisya laban sa makapangyarihang pamilya ni Zanjoe Marudo (Aidan), ang pamilya Fiero matapos ang biglaang pagkawala ng kanyang inang si Olivia.

Lalong mababalot ng hinagpis at galit si Alexa dahil naniniwala siyang pinatay na ng mga Fiero ang kanyang ina at ipinapalabas lang nila na tumakas ito dahil sa pagnanakaw.

Ngunit sa kanyang paghihiganti ay maaaring maging hadlang sa kanyang misyon ang biglaang pagiging malapit niya kay Aidan, na posibleng mauwi rin sa pag-iibigan.

Kasama rin sa mga bigating casts sina Joel Torre, Jennica Garcia, Christian Bables, Tessie Tomas, Angel Aquino, Epy Quizon, John Arcilla, at Janice de Belen.

Nariyan din sina JC Santos, Xyriel Manabat, Raven Rigor, Andrea Del Rosario, CJ Navato, Rans Rifol, Raphael Robes, at Rubi Rubi. May special participation din sina Susan Africa, Soliman Cruz, Liza Diño, Karl Medina, at Ruby Ruiz.

Ang “Dirty Linen” ay sa ilalim ng direksyon nina Onat Diaz at Andoy Ranay.

Mapapanood na ito simula ngayong Enero 23, Lunes, 9:30 ng gabi sa Kapamilya Channel.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *