Joseph Armogila, nagsalita ukol sa pagpanig ng COMELEC en banc sa desisyon ng 2nd Division kaugnay ng DQ case ni Coun. Barizo

LEGAZPI CITY – Ikinatuwa ni Joseph San Juan Armogila, tricycle driver at bise-presidente ng TODA sa Legazpi City ang pagpanig ng Commission on Elections (COMELEC) en banc sa desisyon ng 2nd Division na idiskwalipika si City Councilor Al Barizo.

Kasunod ito ng inilabas na kasulatan mula sa komisyon kahapon ukol sa disqualification case.

Si Armogila, isa sa mga tumakbo noon sa pagkakonsehal sa Halalan 2022.

Siya rin ang siyang naghain ng reklamo sa komisyon na nagresulta sa pagkakaharap ni Barizo sa nasabing kaso.

Sa panayam sa kanya ng Brigada News FM Legazpi, sinabi niya na masaya siyang kinatigan ng en banc ang resolusyon base na rin sa kanilang isinumiteng mga ebidensya.

Aniya, nakikita lamang na malinaw ang paglabag ng opisyal sa mga batas at polisiya sa eleksyon.

Sa ngayon, pinapaubaya na ng kanyang abogado ang susunod na mga hakbang at pinal na desisyon sa Korte Suprema at naniniwala naman siyang meron ding karapatan si Barizo na tumugon sa hukuman.

Kung babalikan, Mayo nang idiniskwalipika ng COMELEC 2nd Division poll body ang konsehal matapos matuklasang nakiisa ito sa 2 araw na Tricycle Driver’s Cash Assistance Payout sa kasagsagan ng pangangampanya noong nakaraang halalan, taong 2022.

Samantala, nabanggit din ni COMELEC Spokesperson John Rex Laudianco na nakatanggap na ng kopya ng resolusyon si Barizo, at sa oras na hindi magbaba ng temporary restraining order ang Korte Suprema sa loob ng 5 araw matapos niyang matanggap, agad nang mag-iisyu ng certificate of finality at enrty of judgement pati na rin ang writ of execution upang ganap nang maipatupad ang disqualification.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *