‘Kabog’ o ibon, itinuturong sanhi ng patay-sinding suplay ng kuryente na naranasan ng mga member consumers ng FICELCO

CATANDUANES—Inihayag ng First Catanduanes Electric Cooperative o FICELCO na isang “Kabog” na uri ng ibon ang naging dahilan ng patay sinding suplay ng kuryente na naranasan ng mga member consumers ng kooperatiba na nasasakupan ng FEEDER 3 sa mga bayan ng San Miguel, Viga, Panganiban, Bagamanoc at hanggang sa barangay ng Salvacion sa bayan ng Pandan nitong nakaraang araw.

Ayon sa FICELCO, dahil sa insidente ay limang beses na naranasan ng mga member consumers ang pagkawala ng kuryente habang kinaumagahan  na nadiskubre ng kanilang linemen ang naging sanhi nito.

Ayon sakanilang report, nakadapo ang “Kabog” o ang naturang ibon sa ‘pin insulator’ ng posteng nakatayo sa bahagi ng Sitio Tagbak, Brgy. Paraiso sa bayan ng San Miguel.

Kaugnay nito humingi ng paumahin ang kooperatiba sa lahat ng mga naapektuhang consumers at ipinaliwanag na ito ay isang uri ng mga hindi inaasahang insidente na naging sanhi ng power interruption.

Matatandaang nito lamang ikalawang linggo ng Agosto, sa isang tutung na ahas isinisi ng FICELCO ang pagkawala ng suplay ng kuryente sa bahagi ng FEEDER 5B sa bayan ng Virac.

Sakabila ng pagpapaliwanag ay umani pa rin ng batikos at komento ang kooperatiba mula sa kanilang mga consumers kung saan ayon sa mga ito kahit naman daw walang ibon ay dati nang patay – sindi ang suplay nila ng kuryente , habang may iba namang nagsabi na baka sa susunod raw ay ‘aswang’ na ang dumapo sa linya ng FICELCO at dito nila isisi ang kanilang bulok na serbisyo.###

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *