Kahilingan na ipagamit muna ang dating Terminal para sa taga- Norte, hindi sinang-ayunan ng City Gov’t

Hindi sinang-ayunan ng mga opisyal ng Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa ang kahilingan na pansamantalang ipagamit ang dating terminal sa Brgy. San Jose para sa mga bumibiyahe sa bahaging Norte.

Ito ay kahit na maraming hinaing ang mga pasahero na ipinarating sa mga bokal gaya ng napakataas na singil sa pamasahe sa tricycle dahil sa layo ng terminal sa poblacion area ng lungsod.

Kahapon, ika-16 ng Enero 2023 ay nakipagpulong ang ilang miyermbro ng ika-44 Sangguniang Panlalawigan ng Palawan kabilang sina Board Members Winston G. Arzaga, Ryan D. Maminta, Juan Antonio E. Alvarez at Rafael V. Ortega, Jr. sa mga miyembro ng Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa sa pangunguna ni City Mayor Lucilo R. Bayron, Vice Mayor Nancy Socrates, City Administrator Atty. Arnel Pedrosa tungkol dito.

Ayon kay Board Member Arzaga, hindi umano sinang-ayunan ng City Government ang naturang kahilingan dahil sa may iilan na umanong mga establisyemento at government buildings ang itinatayo rito ngayon.

Dahil dito ay agarang nagpanukala ang mga bokal na kung maaari ay payagan umano na gamitin bilang drop off points ng mga pasaherong magmumula sa Norte ang intersection sa Barangay Sta. Lourdes sa may area ng banga gayundin ang papasok sa looban ng naturang barangay.

Gayunpaman, muling tatalakayin ang panibagong kahilingan tungkol sa drop off points sa oras na ito ay maisapinal na ng Provincial Board.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *