Kaligtasan ng mga estudyante prioridad ng DepEd sa gitna ng nararanasang init ng panahon

CAMARINES NORTE- Tiniyak ng Department of Education na kukunsultahin ang mga magulang sakaling mayroong mga ipapatupad na pagbabago.

Sa isang pahayag sinabi ni Division Information Officer Antonio Ahmad na prioridad ng departamento na protektahan ang mga estudyante sa anumang panganib kasama na ang heat wave na nararanasan ngayon sa ilang lugar.

Gayunman pangunahing prioridad pa rin aniya ng DepEd ang magbigay ng de kalidad na edukasyon sa mga estudyante.

Binabalanse umano ng SDO Camarines Norte ang kaligtasan ng mga bata at ang pagbibigay ng de kalidad na edukasyon.

Malaking bagay umano ang ginagampanang papel ng mga magulang sa edukasyon ng mga bata kaya anumang mga pagbabagong ipapatupad ay kukunsultahin ang mga ito.

Mababatid na dahil sa matinding init ng panahon ay may mga panawagang ibalik na sa dati ang school calendar o mula Hunyo hanggang Marso at bakasyon ang Abril at Mayo kung kalian nararanasan ang matinding init ng panahon.

Nauna nang sinabi ng departamento na may kapangyarihan ang mga school head na magpatupad ng learning modality kung sa tingin nila ay hindi maipapahintulot ang araw- araw na pagpasok sa eskwelahan ng mga bata dahil sa init ng panahon.

Una na ring inihayag ng Provincial Health Office na plano nitong makipag ugnayan sa DepEd upang pag usapan ang hinggil sa bagay na ito.

Pero nilinaw ni Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco na hindi nila pangungunahan ang DepEd sa kung anumang polisiya na ipapatupad nito.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *