Kapistahan ng Santo Niño kahapon walang presensya ng mga bata  sa loob ng simbahan sa unang araw ng implementasyon na nagbabawal lumabas sa mga edad 11 anyos pababa sa lalawigan

CAMARINES NORTE- Ipinagdiwang  kahapon ng simbahang katolika sa Pilipinas ang kapistahan ng Santo Niño.

Pero hindi tulad ng dati walang mga bata sa loob ng simbahan matapos ipag utos ng gobyerno na bawal na munang lumabas ng bahay ang mga batang edad 11 anyos pababa dahil sa patuloy na pagtaas ng mga naitatalang kaso ng COVID- 19 at sa banta ng Omicron variant.

Epektibo kasi simula kahapon ang Executive Order ni Governor Edgardo Tallado na bukod  sa nagbabawal lumabas sa mga bata na may ganoong edad ay bawal na rin munang lumabas ng bahay ang mga hindi bakunado maliban kung magpapagamot.

Ayon kay Diocese of Daet Bishop Rex Andrew Alarcon, Chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Youth, na bagamat malungkot na wala ang mga bata sa loob ng misa ay kinakailangan umano itong gawin dahil sa banta ng Omicron variant.

Ibinahagi rin ng Obispo ang mga tinalakay sa dinaluhan nitong lecture via zoom noong Biyernes na ang lecturer ay ang kilalang molecular biologist na pari na si Father Nicanor Austriaco.

Aniya pitumpung beses na mas nakakahawa ang Omicron na siya na ngayong dominant variant sa bansa kaya kinakailangan ang dobleng pag iingat.

Malaking tulong daw ayon kay Fr Austiaco kung fully vaccinated o kaya ay nakatanggap na ng booster shot ang isang tao dahil mahihirapang makapasok sa baga ang virus.

Sinabi rin aniya ng pari na asahan na ang surge ng mga kaso ng COVID- 19 sa labas ng Metro Manila na nararanasan na rin ngayon sa lalawigan.

Sa katunayan nakapagtala ulit ng mataas na kaso ng COVID- 19 ang lalawigan ng Camarines Norte kahapon na mayroong 57 na bagong kaso ng sakit.

Samantala, binasbasan naman ni Bishop Alarcon ang mga imahe ng Santo Niño na dinala ng mga debotong dumalo sa misa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *