LEGAZPI CITY – Buo ang paniniwala ni Kap. Juan Madriano, Jr. ng Brgy. Bigao, bayan ng Daraga, Albay na walang kinalaman sa darating na eleksyon ang kamakailang paglason sa isang ilog sa lugar na nagresulta sa pagkamatay ng mga isda at iba pang lamang-ilog.
Sa panayam sa kanya ng Brigada News FM Legazpi, sinabi nito na naniniwala siyang ang insidente ay nagkataon lamang.
Ito kasi umano ang unang pagkakataon na may naglagay ng lason sa nasabing ilog na siyang pinagkukunan ng ilang mga residente.
Para sa kanila, ang mahigpit nilang pagpapanatili ng kalinisan sa ilong ang posibleng dahilan ng paglagay ng lason, dahil mayroon umanong nagtatangka na magsagawa ng iligal na pangingisda roon.
Katunayan nito, aniya, bago ang insidente, mayroong taong nagtangkang magsagawa ng naturang pinagbabawal na pangingisda subalit napigilan ito ng kanyang kagawad.
Hindi umano nagtagal ay nangyari ang insidente kaya’t posibleng ito ay may kinalaman doon.
Subalit ayon kay Madriano, hanggang ngayon ay hindi pa matukoy kung sino ang talagang responsable sa insidente.
Gayunpaman, ipinagpapatuloy nila ang pagtanggal ng lason sa lugar at naniniwala itong kapag bumuhos ang malakas na ulan ay tuluyan na itong mawawala.
Matatandaan, noong nakaraang linggo ay nadiskubre ang paglalason sa nasabing ilog. Ayon sa ilang mga residente, may nakita silang taong dumaan at may itinapon sa ilog, at hindi nga nagtagal ay nakita ang boteng plastic na may lamang kemikal.