Kaso ng COVID-19 sa Bicol Region, tumaas – DOH Bicol

LEGAZPI CITY – Nagpaalala ang Department of Health (DOH) Bicol sa publiko na nagkaroon ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Bicol Region sa loob lamang ng isang linggo partikular ngayong buwan ng Abril sa taong ito.

Sa inilabas na pahayag ng ahensya, nakasaad na mula Abril 2-8, 2023, tumaas nang 26.31% ang mga kaso sa rehiyon, kung ikukumpara noong Marso 26-April 1 ng kasalukuyang taon.

Inaabisuhan ng kagawaran ang publiko patungkol sa kahalagahan ng pagsusuri ng panganib sa bawat aktibidad o lugar na pupuntahan.

Hinihikayat pa rin ang pagsuot ng face mask lalo na sa matatao at kulob na lugar at ugaliin din ang tamang paghuhugas ng kamay at paggamit ng 70% alcohol-based sanitizer.

Dagdag pa rito, ang mga paraan na ito ay mahalaga upang maiwasan pagkalat ng COVID-19 at iba pang mga nakahahawang sakit.

Ipinapaalala rin ng ahensya ang kahalagahan ng pag-isolate at pananatili sa bahay kung nakararanas ng flu-like symptoms tulad ng lagnat, ubo, sipon, sore throat at iba pa, at ang pagbisita sa pinakamalapit na health facility at magpasuri kung kinakailangan.

Samantala, mabisang namang paraan ang pagpapabakuna o booster upang maiwasan ang malubha at kritikal na sintomas ng COVID-19.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *