LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng Albay Provincial Veterinary Office na mas mababa ang bilang ng mga kaso ng rabies ngayon sa lalawigan mula noong buwan ng Enero hanggang ngayong Setyembre sa kasalukuyang taon.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Provincial Veterinarian Dr. Pancho Mella, sinabi niya na mas mababa ang naitala ngayon na may 16 na mga kaso kumpara sa nairecord noong nakaraang taon na mahigit 30 sa kaparehong peryodo.
Sinabi niya na umaasa siyang hindi na ito madagdagan o dumami pa sa pagtatapos ng taon.
Ang kanila umanong mga hakbang ay nakaangkla sa ipinatupad nilang Responsible Pet Ownership Ordinance kung saan sakop nito ang pagsagawa ng dog registration sa mga barangay, pagbabakuna at iba pa.
Kasama rin sa nasabing ordinansa ang pagkakaroon ng pagkakapon o neutering sa mga alagang aso o pusang lalake samantalang spaying naman sa mga babae.
Aniya, mahalaga ang pagsunod ng mga pet owners sa kanilang ordinansa upang maiwasan ang mga kaso ng rabies, maging ang ilang mga aksidente sa daan na nagreresulta sa kamatayan.