Kaso ng Tigdas Hangin sa Bicol Region sa taon 2022 tumaas – DOH

LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng Department of Health (DOH) Bicol na mayroong pagtaas ng bilang ng hinihinalanh kaso ng tigdas at tigdas-hangin sa rehiyon.

Base sa Philippine Integrated Disease Surveillance and Response Database, simula January 1 hanggang June 18, 2022, mayroong labing-siyam na hinihinalang kaso ng Tigdas at Tigdas-hangin sa Bicol.

Ito ay mas mataas ng 46% kumpara sa datos noong nakaraang taon (January 1 – June 18, 2021).

May naitala rin na isang kumpirmadong kaso ng Tigdas at tatlo naman na kumpirmadong kaso ng Tigdas-hangin sa rehiyon.

Ang nag-iisang kumpirmadong kaso ng Tigdas ay mula sa Catanduanes, samantala, ang tatlong kumpirmadong kaso ng Tigdas-hangin ay mula sa Camarines Sur (1), Masbate (1) at Sorsogon (1).

Ang Tigdas ay isang sakit kung saan ang karaniwang sintomas ay ubo, sipon at pamumula ng mata.

Maaring ring magkaroon ng pamamantal o rashes sa buong katawan, pagkatapos ng ilang araw na may mala-trangkasong pakiramdam.

Ang Tigdas-hangin naman o kilala rin bilang German Measles o Rubella ay isang impeksyon na karaniwang nakakaapekto sa balat at kulani (lymph nodes).

Tulad ng Tigdas, nakakahawa rin ang tigdas-hangin sa pamamagitan ng kontak sa sipon o plema ng may sakit. Parehong nagkakalagnat at nagkakaroon ng pantal ang may Tigdas at Tigdas-hangin, ngunit ang pantal ng Tigdas-hangin ay nawawala pakalipas ng tatlong araw.

Ang mga sakit na ito ay karaniwang nakakaapekto sa mga bata. Ang Tigdas at Tigdas-hangin ay lubos na nakakahawa ngunit ito ay maaaring maiwasan.

Hinihikayat ang lahat lalo na ang mga magulang na pabakunahan ang mga bata kontra Tigdas at Tigdas-hangin. Mayroong isinasagawang Bakuna Wednesday sa mga health centers para sa mga vaccine-preventable diseases.

Hinihikayat din ang lahat na magsuot ng mask, maghugas at isanitize ang mga kamay, at sundin ang tamang pamamaraan ng pag-ubo at pagbahing.

Leave a Reply

Your email address will not be published.