Kawalan ng mga pumapasadang jeep sa Albay, malaking perwisyo sa mga commuters

LEGAZPI CITY – Isang malaking perwisyo para sa mga commuters ang kawalan ng mga pumapasadang jeep sa lalawigan ng Albay.

Kahapon, nagsimula na ang week-long tigil-pasada ng mga jeepney sa buong bansa at kabilang ang lalawigan sa mga nakiisa.

Kahit na mayroong mangilan-ngilang jeep na pumasada pa rin kahapon, marami pa rin ang mga hindi nakasakay at inabot na ng gabi para lamang makauwi galing sa kanilang trabaho.

Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay alyas “Cel”, commuter, malaking kawalan umano ang mga jeep sa katulad nilang nag-cocommute lamang papunta at pabalik sa trabaho.

Samantala, nagbigay naman ng libreng sakay ang mga lokal na pamahalaan sa Albay gamit ang mga behikulo ng iba’t ibang government offices.

Ayon naman kay Albay Provincial Safety and Emergency Management Office (APSEMO) chief, Dr. Cedric Daep, nakipag-ugnayan sila sa mga opisina ng ilang mga gobyerno katulad ng Philippine Army, Philippine National Police, Philippine Coast Guard, Philippine Navy, at Philippine Air Force upang pangunahan ang mga libreng sakay para sa mga commuters lalo na sa mga papunta at pauwi ng trabaho. | MARVIN CORDOVILLA

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *