Kick off ceremony ng Brigada Eskwela, pormal nang sinimulan sa Bagumbayan Central School sa Legazpi City

LEGAZPI CITY – Pormal nang sinimulan ang kick off ceremony ng Brigada Eskwela sa Bagumbayan Central School sa lungsod ng Legazpi.

Pinangunahan ni Mary Christine Agarin, punongguro ng nasabing paaralan ang nasabing aktibidad kasama si Cristituto Moncilla, Schools Division Superintendent ng DepEd Legazpi, at iba pang opisyal ng mga paaralan sa nabanggit na lungsod.

Ayon kay Agarin, ipapakita sa aktibidad na kinakailangan ang pagtutulungan ng mga stakeholders, non-government o government institutions at iba’t ibang volunteers.

Aniya, nagkaroon man ng karanasan ng paghihirap sa loob ng dalawang taon dahil sa pandemya, unti-unti na rin itong nalalampasan ng mga mag-aaral maging ng mga guro.

Binigyang-diin din ni Agarin na handang-handa na ang kanilang mga paaralan para sa pagbubukas ng klase sa darating na Agosto 22 sa kasalukuyang taon, kung saan tiniyak nito na ang lahat ng mga guro ay bakunado na.

Sinabi pa nito, handa na rin ang mga bata at magulang sa pagbubukas ng klase lalo na’t magkakaroon na ng face-to-face classes sa nasabing paaralan.

Samantala, ang pagkakapili ng paaralan para sa kick off ceremony ay dahil sa nakakuha ito ng limang awards sa division level at 2 regional awards Brigada Eskwela 2021.

Leave a Reply

Your email address will not be published.