Kombinasyon ng mga istratehiya sa vaccination program, iminungkahi ng mga eksperto mula Israel

Mahalaga na mas mapalakas pa ang covid-19 testing habang nagpapatuloy ang bakunahan sa bansa.

Ito ang binigyang diin ng delegasyon ng mga eksperto ng Israel matapos bumisita sa bansa at magbahagi ng kanilang karanasan at mga mungkahi kung paano mas mapapabuti ang pagtugon ng bansa sa covid-19 pandemic.

Ayon kay Adam Nicholas Segal, logistics and operations manager ng Salomon Levid & Elstein Limited, kailangan na magkaroon ng kombinasyon ng iba’t-ibang istratheiya na makakatugon sa requirement sa vaccination program ng pamahalaan.

Sinabi ni Segal na batid nilang mahirap kumuha ng suplay ng syringes o hiringgilya sa iba’t-ibang manufacturer sa ibang bansa, kung kaya’t mahalaga aniya na magkaroon ng sistematikong pagbili nito.

Sa pamamagitan aniya nito, maiiwasan na magpadala ng mga bakuna kontra covid-19 sa mga probinsya na walang kasamang hiringgilya.

Mas makakabuti rin aniya kung marami ang nako-covid-19 test at madoble pa ang nababakunahan sa bansa.

Mababatid na sa Israel ay nailalabas na agad ang covid-19 test result sa loob lamang ng apat na oras kung kaya’t hindi na kakailanganin pang magtagal sa mga quarantine facility.

Samantala, ipinunto naman ni National Task Force Against Covid-19 Chief Implementer at vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr. na mahalagang magaya ng Pilipinas ang ganitong sistema ng testing upang mabawasan ang psychological effect na idinudulot ng matagal na pag-quarantine.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *