Korte, binasura ang petisyon ng DOJ na pinade-deklarang mga terorista ang CPP-NPA

Di-nismiss ng isang Manila Court ang inihaing petisyon ng Gobyerno na layong i-deklara bilang mga terorista ang mga miyembro ng Communist Party of the Philippines at ng armadong sangay nito na New People’s Army.

Matatandaang 2018 nang ihain ng Department of Justice ang kanilang proscription case hinggil dito alinsunod sa Section 17 ng Republic Act 9372 o ang Human Security Act of 2007.

Sa 135-pahinang petisyon na nilagdaan ni Manila Regional Trial Court Branch 19 presiding Judge Marlo A. Magdoza-Malagar, sinabing ang programa ng CPP-NPA ay hindi itinatag para sa terorismo.

Ang nagpapatuloy na armed struggle ay isa lamang umanong paraan para makamit ang mismong tungkulin ng CPP – at hindi ang dahilan kung bakit itinatag ang CPP.

Ibig-sabihin, bagamat mayroong nangyayaring karahasan para makamit ang mga hangarin ng mga rebeldeng grupo – hindi naman ito ang itinuturing na dahilan sa pagbuo ng organisasyon.

Pebrero, taong 2018, nang ihain ng DoJ ang proscription case para ipa-deklarang mga terorista ang nasa 500 mga miyembro nito.

Makailang beses na rin itong na-amyendahan at napababa sa 20 ang mga pangalang nakapaloob sa petisyon.

NTF-ELCAC, nanindigang may basehan para ituring na isang terrorist organization ang CPP-NPA

Naniniwala ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC na mayroon pa ring legal na basehan para ituring bilang teroristang grupo ang CPP-NPA.

Sa isang panayam, sinabi ni NTF-ELCAC Exec. Dir. retired general Emmanuel Salamat na mayroong grounds para mapatunayang gumagawa ng mga terroristic activities ang grupo.

Kabilang na aniya rito ang murder at panggugulo sa mga kanayunan.

Sa huli, sinabi ni Salamat na hindi ito makaaapekto sa kanilang mga anti-insurgency efforts.

Magpapatuloy pa rin umano ang kanilang mga hakbang para mabigyan ng awareness ang publiko lalo na ang mga vulnerable sector na ‘wag magpaloko sa mga mapanlinlang na mga ginagawa ng mga rebelde.

Dating PNP chief Senador dela Rosa, dismayado sa desisyon ng Korte

‘Sayang!’

Sa isang pahayag, sinabi ni dating Philippine National Police chief Senador Bato dela Rosa na malaki pa naman daw sana itong tulong para sa mga anti-insurgency programs ng pamahalaan.

Giit ng Senador, kung hindi lang nabasura ang petisyon ng DoJ, magkakaroon sana ng ngipin ng batas para malabanan ang mga rebelde.

Sakali mang mapagbigyan ng petisyon, magiging ‘outlawed’ na raw sana ang mga rebelde – ibig-sabihin, maari silang hulihin ng mga otoridad.

Sa kabila nito, naniniwala ang Senador na hindi ito magkakaroon ng mabigat na epekto sa counter-insurgency efforts ng mga law enforcers.
#

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *