KWF Chairperson Casanova, blangko sa pull-out order sa mga ‘di umano’y subersibong aklat

Pinare-review na ngayon ni Komisyon sa Wikang Filipino chairperson Arthur Casanova ang kontrobersyal na memo na kung saan ay pinapa-ban at pinapu-pull out ang limang mga aklat dahil sa ‘di umano’y pagkakaroon nito ng mga subersibong kasulatan at pagiging ‘anti-government’ ng mga ito.

Sa isang panayam, sinabi ni Dr. Casanova na blangko umano siya sa naging order ng dalawa nitong mga komisyuner.

Paliwanag nito, sina KWF Commissioners Carmilita Abdurahman at Benjamin Mendillo Jr. lamang ang nagdesisyon dito at hindi raw siya isinali sa pulong para rito.

Giit ng Tagapangulo ng KWF – wala sa mandato ng kanilang tanggapan na mag-ban ng mga aklat.

Ang naging desisyon umano ng kaniyang mga komisyuner at ang pag-aakusang subersibo ang mga naturang aklat ay mapanganib na yumuyurak sa kalayaan ng malayang pamamahayag at akademikong kalayaan.

Bago pa mang ipa-ban ang mga libro, unang sinabi ni Casanova na maging ang kontrata sa paglilimbag ng naturang mga aklat ay hindi rin naipresenta sa kanya.

Matatandaang binatikos ng mga akademiko, at mga propersor ng Filipino at Literatura ang naturang order ng KWF.

Naghain na rin ng magkakahiwalay na resolusyon ang Makabayan bloc at si Albay Rep. Edcel Lagman sa Kamara na layong paimbestigahan ito.
#

Leave a Reply

Your email address will not be published.