Labi ng sundalong namatay matapos tambangan sa Camalig, Albay, naiuwi na sa kanyang pamilya

Napuno ng pagdadalamhati ng mga kaanak ni PFC John Paul Adalim ang paliparan ng Tuguegarao City matapos na lumapag noong nakaraang araw ang C925 plane ng Philippine Air Force lulan ang labi ng nasabing sundalo.

Matatandaan na isa si Adalim sa dalawang sundalong namatay matapos tambangan at pagbabarilin ng mga miyembro ng CTG, habang namimili sa market site ng Brgy. Cotmon, Camalig Albay noong nakaraang lunes.

Matatandaan rin na ang mga nasabing sundalo ay bahagi ng rescue team na tumutulong upang mapadali ang paghahanap sa nawawalang Cessna 340 aircraft na bumagsak sa bulkang Mayon.

Tila sumabay naman ang panahon sa pagdadalamhati ng pamilya ng sundalo matapos na bumuhos ang ulan habang ibinababa ang labi nito sa eroplano ng Philippine Air Force.

Samantala, sinalubong naman ng mga sundalo at pulis ang labi ni Adalim at nagsilbing escort nito habang ibinabyahe ang labi pauwi sa kanilang tahanan sa Centro, Enrile Cagayan. | JEFFREY ALTAVANO

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *