Lahat ng quake-hit areas sa Northern Luzon, nahatiran na ng tulong

Napasok na ng tulong ang lahat ng lugar sa Northern Luzon na naapektuhan ng magnitude 7 na lindol.

Ayon kay Mark Timbal, ang tagapagsalita ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), tuloy-tuloy ang paghahatid ng tulong sa mga apektadong residente, batay na rin sa report ng mga lokal na pamahalaan.

Sa katunayan aniya, pumalo na sa P116 million ang kabuuang halaga ng assistance na naibigay sa mga apektadong indibiwal sa Hilagang Luzon.

Sa ngayon, naibalik na rin umano ang isang daang porsyentong suplay ng kuryente at komunikasyon sa mga apektadong lugar.

Gayunman, pitumpu’t limang porsyento pa lamang umanong naibabalik ang suplay ng tubig.

Halaga ng tulong na naipaabot ng DOLE, umabot na sa P97 million

Pumalo na sa mahigit P97 million ang halaga ng tulong na naipaabot ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga naapektuhan ng lindol sa Northern Luzon.

Sa isang panayam, sinabi ni Nathaniel Lacambra, Regional Director ng DOLE-Cordillera Administrative Region na karamihan sa mga nabigyan nila ng tulong doon ay mga micro small medium enterprises (MSME’s).

Bukod dito, patuloy rin aniya ang kanilang ginagawang pakikipag-uganayan sa mga local government unit sa lalawigan ng Abra para sa TUPAD program o Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers.

Aniya, target ng DOLE-CAR na maglaan ng P21 million para mas maraming residente partikular sa Abra ang kanilang matulungan.

Sinabi ni Lacambra na ginagawa na nila ang lahat para mapagaan ang requirements para sa TUPAD program kung saan kailangan na lamang ng isang gov’t issued ID para maging benepisyaryo nito.
#

Leave a Reply

Your email address will not be published.