Lalaki, arestado sa pagnanakaw ng ice cream, tinapay at palaman sa Batangas

BATANGAS CITY – Kulungan ang diritso ng isang lalaki matapos na mahuling nagnakaw ng ice cream, tinapay at palaman sa SM Supermarket, SM City Batangas, Brgy. Pallocan West, Batangas City.

Kinilala ng Batangas City Police Station ang suspek na si Joel Hernandez y Suarez, 42 anyos, walang trabaho, tubong Brgy. Banay Banay II, San Jose, Batangas at naninirahan ngayon sa El Sitio, Brgy Dumantay, Batangas City.

Ayon sa imbestigador na si PCpl. Jay-r Olave, nagkunwaring customer ang suspek at isinilid sa kanyang itim na bag ang mga hindi binayarang items at sinubukang lumabas sa department store na hindi dumaan sa counter.

Narekober mula sa suspek ang isang dairy ice cream na nagkakahalaga ng Php 298.00, isang white bread na nagkakahalaga ng Php 65.50 at chicken spread na nagkakahalaga ng Php 99.50.

Sa kabuuan ay umaabot sa Php 463.00 ang halaga ng kanyang ninakaw.

Agad itong itinurn-over ng SM City management sa police station at nakatakdang sampahan ng kasong Theft.

Samantala, sinabi ni Olave na napag-alaman nilang ang suspek ay responsable rin sa pagnanakaw ng isang bike at speaker noong unang linggo ng Mayo.

Kasalukuyan itong naka-kustodiya sa custodial facility ng naturang himpilan. | Mike Salgado

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *