Lalaki, binaril ng kainuman sa harap ng mga katrabaho sa Lemery, Batangas

LEMERY – Patay ang isang construction worker matapos na barilin ng katrabaho habang sila ay nag-iinuman sa Brgy. Calihan 2, Lemery, Batangas noong Martes ng gabi.

Kinilala ang biktima na si John Lenard, alyas buknoy habang arestado naman ang suspek na si John Edward Constantino, 37 anyos na residente ng Brgy. Minda, Gandara, Samar.

Ayon sa imbestigasyon ng Lemery Municipal Police Station, pasado alas-6 ng gabi noong Martes nang nag-iinuman ang biktima kasama ang suspek at dalawa pa nilang kasama.

Sa pahayag ng isa sa kanilang kasama na nagsilbing testigo, bigla na lamang umanong inilabas ng suspek ang armas nito na nakatago sa unan at kumuha ng bala mula sa bag nito.

Dito na umano binaril ng suspek ang biktima sa kanyang ulo na naging sanhi ng kamatayan nito.

Agad na tumakas ang suspek ngunit tuluyang naaresto sa ikinasang police operation sa Brgy. Bihis, Sta Teresita, Batangas.

Narekober sa kanya ang kalibre 38 na baril na ginamit nito sa krimen.

Personal na galit ang isa sa mga tinitingnang motibo ng mga awtoridad sa naturang pamamaslang.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *