Patay ang isang lalaki matapos pagsasaksakin sa Purok 3, Brgy. Kidaco, bayan ng Daraga, Albay.
Kinilala ang biktima na si Joven Llaguno, residente ng kaparrehong lugar.
Ayon sa report, nakatanggap ng impormasyon ang Daraga MPS mula sa Barangay Kagawad nito hinggil sa umano’y insidente ng pananaksak sa nasabing lugar.
Nang matanggap ang impormasyon, ipinadala sa nasabing lugar ang duty investigator kasama ang intel operatives ng nasabing himpilan ng pulisya upang magsagawa ng validation at imbestigasyon sa nasabing insidente.
Tinulungan ng mga rumespondeng ERS ng LGU Daraga ang biktima, gayunpaman, wala nang palatandaan ng buhay ang biktima.
Lumalabas sa imbestigasyon na nag-iinuman ang biktima sa bahay ng kanyang kaibigan nang dumating ang suspek na si alyas “Ryan”, 35 anyos na tila nasa impluwensya ng alak.
Pinigilan ng biktima ang suspek na huwag makipag-inuman sa kanila, ngunit nagkaroon ng suntukan sa pagitan nila hanggang sa sinaksak ng suspek ang biktima ng ilang beses sa kanyang katawan na nagresulta sa agaran nitong pagkamatay.
Mismong ang pamilya rin ng suspek ang boluntaryong nagturnover sa himpilan.
Nasa kustodiya na ngayon ng himpilan ang suspek para sa kaukulang disposisyon. .