Lalaki sa Japan, arestado dahil sa pagnanakaw ng sapatos ng mga babae at saka nito papalitan ng bagong pares

JAPAN – Arestado ng mga pulis sa  Japan ang isang lalaki na nagngangalang Hiroaki Katsu, isang office worker sa Nagakute City sa Aichi prefecture dahil sa pagnanakaw ng mga sapatos ng mga babae saka nito papalitan ng bagong pares.

Ayon sa mga imbestigador, may mahigit 20 pares ng pambabaeng sapatos sa kanyang inuupahang apartment. Iba’t ibang style at sizes ng mga sapatos ang natagpuan at lahat ng mga ito ay mga nagamit na.

Nahuli si Katsu matapos magreklamo ang isang 23-anyos na music teacher sa mga pulis nang mapansin niya na ang iniwang sapatos sa kanyang locker ay misteryosong naging brand new muli.

Ayon sa music teacher, nagtaka siya dahil nang isinuot niya ang sapatos ay naramdaman niyang bagumbago ito samantalang halos pudpod na ang suwelas nito bago niya iniwanan sa kanyang locker.

Dahil sa sumbong ng music teacher, nag-imbestiga ang mga pulis sa Nagakute City at napag-alaman nila na maraming kababaihan na pala sa kanilang lugar ang misteryosong nagiging brand new ang kanilang mga lumang sapatos.

Sa tulong ng mga salaysay ng mga biktima, natunton ng mga imbestigador si Katsu at agad naman itong umamin na nagnanakaw nga siya ng mga lumang sapatos ng mga babae dahil gustung-gusto niyang amuyin ito.

Bukod sa kasong pagnanakaw, pinag-aaralan ng mga awtoridad na kasuhan ng paglabag sa anti-stalking law si Katsu.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *