LEGAZPI CITY – Sugatan ang isang lalaki matapos itong saksakin ng kanyang kabarangay sa Purok 5, Brgy. Baligang, Camalig, Albay.
Kinilala ang biktima na si Dennis Nuarin Bulubling habang ang suspek ay si Freddie Nuñez Lea na pawang mga residente ng nasabing barangay.
Ayon sa report, kusang sumuko ang suspek sa kanilang barangay dala ang kitchen knife na may habang humigit-kumulang 10 pulgada na ginamit sa insidente.
Kwento ng suspek sa mga otoridad, patungo siya sa Brgy. Solong nang bigla umano siyang harangin ng biktima at nauwi sa suntukan.
Sa kalagitnaan umano ng kanilang suntukan, kumuha ng kapirasong kahoy ang biktima sabay hampas nito sa ulo ng suspek na siyang nag-udyok sa kanyang kunin ang kutsilyo mula sa U-box ng kanyang motorsiklo at sinaksak ang biktima sa kaliwang braso nito.
Sa ngayon, inihahanda na ng Camalig MPS ang reklamong isasampa laban sa suspek.